Sa kulungan ang bagsak ng isang ama matapos siyang ituro ng sariling anak na tatlong-taong-gulang na babae na nangmolestiya sa kaniya sa Laoac, Pangasinan. Dahil musmos pa, hindi alam ng bata na ginagawan na siya ng kahalayan ng ama.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing natuklasan ang pang-aabuso ng ama sa anak nang may mapansin ang tagapag-alaga ng bata sa maselang bahagi ng katawan ng biktima.

"Talagang 'yun ang sabi ng bata eh. Maski balik-baliktaran mo 'yun, 'yun ang sinasabi niya talaga eh. 'Sinong gumawa sa 'yo?' 'Ito, ito, ito, papa ko,' papa ko sabi niya eh," sabi ng tagapag-alaga ng bata.

Dito na nagsumbong ang nag-aalaga sa bata sa pulisya, at naaresto ang suspek.

"Laging umiinom, laging lasing pagkagaling sa pagtitinda," sabi ni Police Lieutenant  Geronimo Mamaril, Deputy Chief, Laoac Police Station.

Mariin namang itinanggi ng ama ang akusasyon laban sa kaniya.

"Hindi ko ginawan ng masama ang anak ko. At saka hindi ko puwedeng gawin sa anak ko dahil mahal na mahal ko 'yung anak ko na 'yon. Sa kaniya ko inilaan ang buhay ko kahit na hirap na hirap ako sa hanapbuhay para bigyan ko siya ng magandang kinabukasan," giit ng suspek.

Lumabas sa medical certificate na may nakitang laceration sa ari ng biktima.

"Kakasuhan po natin siya ng rape in relation to republic act 7610" ayon pa kay Mamaril.

Napag-alaman din na nagtatrabaho sa Pampanga ang ina ng bata.

Inaayos na ang mga kaukulang dokumento para mailipat sa pangangalaga ng DSWD ang bata.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News