Nauwi sa trahediya ang paglalaro ng tatlong batang magpipinsan sa Orion, Bataan nang makulong sila at ma-suffocate sa loob ng isang sasakyan.

Sa ulat ng GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga biktimang sina Agatha Morales, 9-anyos; Shamel Morales, 8-anyos; at Paulaine Morales, 6-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naglalaro ang mga bata malapit sa sasakyan na pagmamay-ari ng ama ng isa sa mga biktima.

Ngunit makalipas ang ilang oras, nakita na lamang ng ama na nasa loob ng sasakyan ang mga bata at hindi na gumagalaw.

Kaagad silang dinala sa ospital pero binawian din ng buhay kalaunan.

Sa ngayon, wala pang linaw kung paano sila nakapasok at nakulong sa sasakyan.

Aalamin ng mga awtoridad kung nagkaroon ng negligence o pagpapabaya sa nangyaring trahediya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News