Kalaboso ang isang 17-anyos na binatilyo sa Camarines Sur matapos ireklamo ng panggagahasa ng kainumang 19-anyos niyang kaibigan.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ng umaga, sinabing isinalaysay ng 19-anyos na biktima sa mga pulis sa bayan ng Nabua kung paano siya ginahasa ng menor de edad na suspek.

Ayon sa biktima, nag-iinuman sila ng suspek kasama ang iba pa nilang mga kaibigan noon.

Pagsapit ng madaling araw, nagsiuwian na ang kanilang mga kasamahan. Tiyempong umanong matutulog na ang dalaga nang pumasok sa kanyang kuwarto ang suspek.

"Sinakal daw po siya para hindi siya makapalag at yun nga pong isinagawa na ang pangaggahasa sa kanya. Nagsisigaw daw po siya at noong nakapukaw siya ng atensyon, naalarma yung suspek at tumakas na umano," ayon sa mga pulis.

Kasama ang kanyang mga magulang, nagsumbong ang biktima sa mga pulis.

Nadakip naman ang suspek na mariing itinanggi ang paratang.

"Nagsiuwian na po kami pagkatapos kinaumagahan binintangan na ako, may pumuntang pulis doon sa bahay."

Kinuwestyon din ng nanay ng suspek ang reklamo laban sa kanyang anak.

"Masasabi ko talaga hindi yan magagawa ng anak ko kasi unang-una menor de edad. Patunayan nila na yung anak ko talaga," pahayag ng ina ng suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. —LBG, GMA News