Karumal-dumal ang sinapit ng dalawang babae sa Aklan at Northern Samar na natagpuang patay at hinihinalang ginahasa. Ang isa sa kanila, nakita sa drainage.

Sa Banga, Aklan, sinabing nagpaalam lang sa ama ang 16-anyos na si "Jel," na dadalo sa sayawan sa Barangay Agbanawan noong Huwebes pero hindi na nakauwing buhay.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing nakita ang bangkay ng biktima pagkaraan ng limang araw sa isang bakanteng lote na dalawang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.

May sugat sa ulo si Jel na posibleng dahilan daw ng kaniyang pagkamatay.

Isang June Dela Cruz naman ang sumuko sa mga awtoridad at umamin umano sa krimen.

Inaalam pa kung pinagsamantalahan niya ang biktima.

Samantala, natagpuan naman sa drainage sa Rosario, Northern Samar, ang isang babae na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.

Hinihinalang hinalay din ang biktima dahil nakababa ang kaniyang pants at underwear nang matagpuan.

May sugat din sa ulo ang hindi pa nakikilalang biktima. --FRJ, GMA News