Posibleng mas marami pa umanong Pilipino ang mabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa Czech Republic matapos ipahayag ng Cooper-Standard Automotive ang planong kumuha ng karagdagang mga empleyado, ayon sa isang pahayag ng Department of Migrant Workers. Ibinigay din ng kompanya ang hiling ng mga manggagawa na magkaroon sana ng bigas sa kanilang supply.
Sa nasabing pahayag, umani umano ng positibong komento mula sa kompanya ang mga Pilipinong nagtatrabaho doon nang bumisita ang Migrant Workers Office sa Prague (MWO–Prague) noong Nobyembre 24, 2026.
Kasalukuyang may 68 Pilipinong empleyado bilang production operators at setters ang Cooper-Standard, gumagawa ng mga piyesa at sistema para sa mga sasakyan, partikular na mga sealing at fluid-handling system.
Mayroon pang 14 na aplikante na sumasailalim sa proseso ng recruitment, ayon sa DMW.
Nakuha ang mga manggagawang Pinoy sa pamamagitan ng isang recruitment agency sa Pilipinas na lisensyado ng DMW. Ang unang grupo na binubuo ng 12 Pilipino ay naipadala sa Czech Republic noong 2025.
Sa pagbisita, nakipagpulong si Labor Attaché Llewelyn D. Perez ng MWO–Prague, kasama si Alexandra Lipio, sa mga kinatawan ng kompanya upang talakayin ang pangangailangan nito sa mga empleyado at iba pang usapin.
Hiniling din ng kompanya sa pamamagitan ng Czech recruitment agency nito ang pagsasagawa ng integration seminar upang mas maunawaan ng kanilang mga kasamahan ang kultura ng mga Pilipino sa lugar ng trabaho.
Pinuri ng HR manager ang mga Pilipinong empleyado dahil sa positibong pananaw at masayahing pakikitungo ng mga ito sa iba.
Ipinapakita ng kanilang recruitment at deployment ang pagtutulungan ng MWO–Prague, Cooper-Standard, at mga lisensyadong recruitment agency sa Pilipinas at Czech Republic.
Bilang tugon sa kahilingan ng mga manggagawa, naglaan din ang kompanya ng bigas sa kanilang cafeteria.
Sa isinagawang Kumustahan sa lugar ng trabaho, sinabi ng mga Pilipinong manggagawa na maayos naman ang kanilang pag-a-adjust sa bagong trabaho at kapaligiran. Gayunman, aminado sila na hamon ang language barrier at paghahanda sa panahon ng taglamig, na mararanasan ng ilan sa kanila na bago roon. Patuloy naman daw silang tinutulungan ng HR team at mga recruitment agency tungkol dito. – FRJ GMA News

