DOTr Secretary Arthur Guimaras talks to relatives of victims of the Guimaras sea mishap. PHOTO BY IAN CRUZ
DOTr Secretary Arthur Guimaras talks to relatives of victims of the Guimaras sea mishap. PHOTO BY IAN CRUZ

JORDAN, GUIMARAS — Sa burol ng walo sa 31 na nasawi sa pagtaob ng tatlong bangka nitong Sabado, inanunsyo ni Transportation Secretary Arthur Tugade na inalis sa pwesto ang apat na tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Kasama rin ang dalawang opisyal ng Maritime Industry Authority o MARINA habang iniimbestigahan ang nangyaring trahedya sa dagat sa pagitan ng Iloilo City at Guimaras.

 

DOTr Secretary Arthur Tugade with relatives of victims of the Iloilo city-Guimaras sea mishap. PHOTO BY IAN CRUZ
DOTr Secretary Arthur Tugade at the wake for the victims of the Iloilo city-Guimaras sea mishap. PHOTO BY IAN CRUZ

“Para lang ho magkaroon nang konting objectivity at malalim na imbestigasyon, ginawa namin yung nararapat na kung saan kahapon ho sabi namin yung mga na-involved dito sa lugar na ‘to tumabi-tabi muna, relieve muna,”sabi ng kalihim.

Kabilang sa inalis sa pwesto ang Coast Guard Station Commander ng Iloilo at Guimaras, gayundin ang dalawang clearing officer ng dalawang station na isyang responsable sa pagpapaalis ng isang sasakyang pandagat.

Inalis din sa pwesto ang director ng MARINA Region 6 pati na ang head ng Franchising and Domestic shipping ng rehiyon.

Agad namang pinalitan ang mga inalis sa pwesto.

Una nang iginiit ni Commodore allan Victor dela Vega, ang pinuno ng Coast Guard Western Visayas, kalmado ang dagat at maayos ang panahon nang maglayag ang tatlong sinawimpalad na bangka.

Ayaw namang pangunahan ng kalihim ang pagsisiyasat na ginagawa ng Coast Guard at MARINA.

“Ayaw ko pong pangunahan ang pangkalahatang imbestigasyon, ang masasabi ko lang there is an on going investigation tinitingnan ho namin una sa imbestigasyon, una, ano yung kadahilanan sa kalikasan, anu yung kadahilanan kung meron sa istruktura ano yung kadahilanan kung meron yung sa mga tinatawag natin na fishing boat ano yung tinatawag kung meron man na squall, lahat ho sinisilip ito,” paliwanag ni Tugade.

Aminado ang pamunuan ng Coast Guard maaring makaapekto sa kanilang tauhan ang pag-aalis sa pwesto ng kanilang mga kabaro.

Pero lumabas na walang mali sa kanilang ginawa, ibabalik naman daw ang mga ito.

“Medyo mabigat din kasi may magkakaroon din ng konting epekto sa morale ng mga tao pero sabi nga eh eto naman ay para bigyang daan ang imbestigasyon na gagawin na hindi masabing naimpluwensyahan ng mga taong ito. so kung lumabas na walang kasalanan, atin naman silang ibabalik,” ayon kay PCG Commandant Admiral Elson Hermogino.

Isang survivor ang nagsabi sa kalihim na dapat palitan na ang disenyo ng pampasaherong bangka para iwas disgrasya.

Dapat ibahin natin disenyo ng mga bangka dito sa guimaras kung di nila pag ibahin mangyari man guihapon ( ulit) ang nangyari sa amin,” giit ni Rogen Basco, isang survivor ngunit namatay ang misis sa trahedya.

Sabi ng kalihim, matagal na nga niya itong nais magawa.

“Alam mo yung wooden hull na yan kailangan na pag isipan na alisin lalo sa mga sasakyan for public transport kailangan ang gamitin na natin aluminum or fiber glass. ngayon dun sa mga mangingisda bigyan ng konting pagkakataon kasi ang nakasakay naman diyan yung mangingisda at yung limited crew at yung mga isda isda. Dun sa tinatawag na common carriage na bangka marami hong buhay ang nakasalalay diyan kaya kung maari lang bigyang tukoy na natin i-implement yun,” paliwanag ni Tugade.

Ayon sa administrador ng MARINA, kakausapin nila ang mga operators ng pampasaherong bangka ukol sa ipatutupad na nagbabawal nang paggamit ng wooden hull.

“We have to suspend all the wooden hull and as a replacement we have to direct our shipping operators in the Philippines to provide alternative transportation,”  pagbabahagi ni MARINA Administrator Narciso Vingson.

sinabi ng pinuno nhg Department of Transportation (DOTr) na kahit may nangyari nang insidente sa dagat, hindi nangangahulugan itong suspendido na ang mga biyahe.

Marami raw dapat isaalang-alang kung sususpendihin ang mga biyahe.

“Alam mo lahat ng protocols subject to certain conditions hindi tayo magkaroon ng sweeping statement. halimbawa ano yung nangyayari ngayon, merong lumubog na wooden hull nandidiyan ang bagyo at malakas na alon syempre suspinde ko muna kung wala ang malakas na alon at nagi-squall eh siguro baka pag isipan namin kung isuspinde lahat yan. kaya nga sabi ko kailangang ibalanse yung pangangailangan nung pagbabago ng sasakyan dun sa pangngailangan ng mga biyahero,”sabi ni Tugade.

Samantala, dahil di nakarating sa Guimaras si Pangulong Rodrigo Duterte, bunsod ng sama ng panahon, si Tugade na ang nagpaabot ng pakikiramay sa mga namatayan ng kaanak sa trahedya.

Sa isang Funeral Homes sa Jaro, Iloilo nagtungo ang Pangulong Duterte upang makiramay sa mga kaanak ng mga namatay sa trahedya. — BAP, GMA News