Isang high school student na papunta na sana sa paaralan ang nasawi matapos siyang barilin at sinaksak pa ng kabilya o steel bar sa lalamunan sa Sibulan, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Joshua Philip Partosa, 20-anyos.

Kasama umano ni Partosa ang kaniyang kapatid nang harangin sila ng mga salaring sakay ng motorsiklo at saka sila pinagbabaril.

Matapos matumba si Partosa sa tama ng bala, isa sa mga salarin ang lumapit sa kaniya at sinaksak siya ng kabilya sa lalamunan.

Mapalad naman na nakaligtas ang kapatid ng biktima, habang nakatakas ang mga salarin.

Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang pagkakasangkot ng biktima sa insidente ng pananaksak sa Dumaguete City noong Hulyo.

Pero giit ng ama ni Partosa, na inosente ang kaniyang anak sa naturang bintang.-- FRJ, GMA News