Bihira ang mga taong nakaliligtas sa pangil ng mga buwaya sa Balabac, Palawan, at maikuwento ang kanilang naging karanasan. Tulad na lang nang nangyari sa 11-anyos na si Akirin na sinakmal ng buwaya ang braso habang nagsasagwan.

Nangyari ang insidente nito lang nakaraang linggo habang sakay ng bangka at mauwi na ang biktima kasama ang kaniyang ate.

Una raw sinunggaban ng buwaya ang kamay ni Akirin habang nagsasagwan, at sunod nito ay kinagat na siya sa braso at hinatak papunta sa malalim na bahagi ng tubig.

Kuwento ni Akirin sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," pilit niyang hinatak ang kaniyang braso na kagat ng buwaya kaya siya nagkasugat at nakatakas.

Kaagad siyang dinala sa pagamutan para magamot at matahi ang malaking sugat na tinamo niya.

Ayon sa ina ni Akirin, hindi na niya pababalikin ang anak sa naturang lugar kung saan nangyari ang pag-atake dahil sa paniwalang natandaan na ng buwaya ang kaniyang anak kaya posibleng atakihin nitong muli ang biktima.

Hanggang sa ngayon, hindi pa nahuhuli ang naturang buwaya na umatake kay Akirin.

Ngunit bago ang nangyaring pag-atake kay Akirin, isang 18-anyos na nanghuhuli ng pugita sa Balabac, ang inatake rin ng buwaya at nasawi.

Nawawala na ang ilang bahagi ng katawan ng biktima nang makita.

Ang buwaya na umatake sa kaniya, nakitang patay pero walang residente na umamin kung sino ang may gawa.

Panoorin ang buong istorya ng patuloy na pagkukrus ng landas ng tao at buwaya sa Balabac, sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News