Patay sa hazing ang isang Criminology student sa Sorsogon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Omer Despabiladeras, first year Criminology student ng Solis Institute of Technology sa bayan ng Bulan.

Sa gitna umano ng initiation rites ng Tau Gamma Phi fraternity, nawalan ng malay si Despabiladeras kaya dinala sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Nagka-hematoma o pamumuo ng dugo sa kanyang hita, likuran at iba pang bahagi ng katawan si Despabiladeras.

Kasama niya sa initiation ang 16 na iba pang neophytes. Tatlo sa mga ito ang dinala rin sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng bulan police ang dalawang naghatid kay Despabiladeras sa ospital.

Patuloy ang pagtugis ng pulis sa iba pang suspek. —KBK, GMA News