Namatay ang isang 59-anyos na public school teacher matapos siyang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Kinilala ng mga pulis ang biktima na si Basiledes Ledon, nakatira sa Brgy. Poblacion ng nasabing lugar.

Nakatanggap umano ang mga awtoridad ng tawag bandang 6:20 p.m. nitong Biyernes mula sa isang concerned citizen na may naganap umanong pamamaril sa Larena St. ng Bgy. Poblacion.

Pahayag ng mga bystander sa lugar, ipinarada muna ng mga suspek ang kanilang motor. Matapos nito, lumapit sa kanila ang isa sa mga suspek at walang dahilan at tila may intensyong pagbabarilin si Ledon.

Nagtamo ang biktima ng tama sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan na ikinamatay ng biktima. 

Nakasuot ng jacket at bonnet pero walang helmet  ang mga suspek, at sakay ng Yamaha Mio na black and white.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang cartridge ng .45 pistol at isang slug.

Naisugod pa ang biktima sa Guihulngan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor. —Jamil Santos/LBG, GMA News