Isinugod sa ospital ang isang rider matapos siyang sumemplang at magulungan ng isang SUV sa Pala-pala intersection sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV na banayad ang sitwasyon sa lansangan nang biglang nagpagewang-gewang ang isang motorsiklo at sumemplang ang rider.

Hindi naman kaagad nakapreno ang nakasunod sa kaniyang sasakyan kaya nabundol at nagulungan pa siya.

Tumigil naman ang SUV at nagawa naman ng rider na makatayo pa at naglakad papunta sa gilid ng kalsada.

Ayon sa imbestigasyon, dinala sa ospital ang rider at sinagot naman ng drayber ng pick-up truck ang pagpapagamot.

Samantala, isang SUV naman ang nahulog sa pilapil sa Plaridel, Bulacan matapos na mabundol ng isang trak.

Nakaligtas naman ang mga sakay ng SUV at dinala sa presinto ang driver ng trak.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News