Hulicam ang pagnanakaw sa isang senior citizen na namimili sa isang grocery store sa Dipolog City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang abala sa pamimili ang biktima nang tabihan siya ng suspek na umaktong tila namimili rin.

Hindi kuha sa video, pero nakuha na pala ng suspek ang wallet ng matanda na may lamang ilang libong piso at postal ID.

Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang palabas na ng grocery store ang suspek hawak ang wallet ng biktima.

Ayon sa biktima, nalaman na lang niyang nanakawan na siya nang gumaan ang bag niya.

Ilang beses na raw nakunan ng CCTV ang suspek na kadalasang target ay mga senior citizen. Inaalam pa ngayon ang kaniyang pagkakakilanlan. —KBK, GMA News