Sa halip na ibalik, ibinulsa ng isang lalaki ang naiwang cellphone ng isang babaeng bumili ng face mask sa tindahan sa Koronadal, South Cotabato.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ang pagbili ng babae ng face mask sa tindahan.

Pagkatapos bayaran ang face mask, agad siyang umalis pero hindi niya napansing naiwan pala niya ang kaniyang cellphone sa gilid.

Makalipas ang ilang minuto, isang lalaki naman ang dumating at may binili rin sa tindahan.

Nang makita niya ang naiwang cellphone, sa halip na sabihin sa tindera ay pasimple niya itong ibinulsa at saka umalis.

Inaalam pa ng biktima ang pagkakakilanlan ng lalaki.--Jamil Santos/FRJ, GMA News