Wasak ang isang itim na kotse matapos niyang salpukin sa likuran ang isang puting kotse na nakaparada sa gilid ng kalsada sa San Vicente, Ilocos Sur. Nakaligtas ang driver ng bumanggang kotse pero hindi ang kaniyang pasahero.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nakuhanan pa sa CCTV ang naganap na aksidente nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Bayubay, San Vicente.

Sa video, makikita na nagkaroon pa ng biglang pagliwanag nang maganap ang salpukan at umikot ang dalawang sasakyan.

Nagising umano ang may-ari ng nakaparadang kotse nang may madinig na malakas na tila pagsabog sa labas ng kaniyang bahay.

Bukod sa nakaparadang kotse, tinamaan din ng itim na kotse ang isang bakod ng bahay.

Bagaman nailigtas ang driver ng bumanggang itim na kotse, nasawi naman ang pasahero niyang si Jonjon de Leon.

Ayon sa saksi, naipit sa sasakyan ang biktimang nasawi at halos hindi na makita ang mukha dahil sa dami ng dugo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na mabilis ang takbo ng mga biktima at lumabas din sa medical examination na nakainom sila.

Sinusubukan pa ng "Balitang Amianan" na makuha ang pahayag ng mga kaanak ng biktima.--FRJ, GMA News