Patay ang pitong katao at lima ang sugatan matapos mang-araro ang isang trailer truck sa Jasaan, Misamis Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabing galing sa lamay ang mga nasawing biktima.

Nangyari ang insidente dakong 11:00 p.m. nitong Martes nang magloko umano ang naturang sasakyan na may kargang bulldozer, ayon sa ulat ng pulisya.

Dahil dito, nabangga nito ang mga tao sa gilid ng highway, nasalpok ang 20 sasakyan, isang tindahan at isang talyer.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang truck driver na sinusubukan pang kunan ng pahayag.

Ayon naman sa may-ari ng truck, handa siyang makipag-usap sa mga kaanak ng mga biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News