Isang 8-anyos na bata ang naputulan ng braso matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang truck na minamaneho ng kaniyang ama sa San Isidro, Abra, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang driver ng truck na si Jojo Agudal, dahilan para mahulog sila sa bangin na may lalim na 10 hanggang 15 metro.

Bukod sa bata, ilang kaanak din ang sakay ng nadisgrasyang truck. Karamihan sa kanila ay mga menor de edad.

Posible raw na humampas sa puno ang braso ng bata kaya ito naputol. Nagpapagaling na siya at ang 7-anyos niyang pinsan na nabalian naman ng paa.

Nakainom daw ang driver na ngayon ay sising-sisi sa nangyari. --KBK, GMA News