Patay ang isang bata at limang iba pa ang sugatan nang sumabog ang helium gas tank na ginagamit nila sa paggawa ng mga lobo sa Norala, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing tatlo sa limang sugatan ay mga menor de edad.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagtungo sa isang compound ang mga biktima para magbenta ng ikinabubuhay nilang mga lobo.

Nang maubos umano ang laman ng helium gas tank, isa umano sa mga biktima ang naglagay ng kemikal at nang haluin ay biglang sumabog ang tangke.

Sa lakas ng pagsabog, tumilapon ang mga biktima.

Kaagad na sumaklolo ang mga kapitbahay para dalhin sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang 10-taong gulang na biktima. —FRJ, GMA News