Nasawi ang tatlong tao matapos silang malason umano sa pinulutan nilang pufferfish o butete sa kanilang inuman sa Tabango, Leyte.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ipinaluto muna sa isang barbecue stand ang mga butete saka ginawang pulutan ng mga magkakapitbahay at ilan pang customer.

Ngunit pagkalipas ng ilang oras, bigla nang sumakit ang kanilang tiyan, nagsuka at nawalan sila ng malay.

Dead on arrival sa ospital ang tatlong biktima.

Bukod sa kanila, may tatlo pang nakakain ng isda, na nagpapagaling ngayon sa ospital.

Dati nang inihayag ng Department of Health na bawal kainin ang butete dahil sa lason nito. —LBG, GMA News