Arestado sa Las Piñas City ang isang ama na inakusahang paulit-ulit na ginahasa ang menor de edad na anak na babae sa Cavite habang nasa abroad ang kaniyang asawa.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinakip ng mga pulis-Cavite sa bisa ng arrest warrant ang 33-anyos na suspek.

Kasama rin ang suspek sa most wanted personality dahil sa ginawa niyang pang-aabuso umano sa sariling anak.

Ayon sa pamilya ng biktima, nangyari ang paulit-ulit umanong pang-aabuso ng suspek sa kaniyang anak na anim na taong gulang pa lang noong 2018, habang nasa Middle East ang kaniyang asawa.

"Nanonood sila sa sala ng kaniyang kapatid, kasama 'yung tatay. Then inutusan nga 'yung kapatid niya na maglaro sa labas. Paglaro sa labas, gusto rin ng victim na sumama, kaya lang hindi na siya pinayagan nu'ng suspek na sumama tapos paglabas ng kapatid niya, ini-lock 'yung pinto, doon na..." sabi ni Police Lieutenant Colonel Franco Reglos, Chief of Cavite Police.

Mariing itinanggi ng suspek ang paratang pero inamin niya na dati siyang gumagamit ng ilegal na droga.

"Wala talaga akong ginawa. Malinis ang konsensiya ko," anang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News