Patay ang isang tricycle driver nang barilin siya ng riding in tandem habang namamasada sa Pagadian City.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Sonny Maguindara.

Namamasada ang biktima nang bigla na lang paputukan ng mga salarin na mabilis ding tumakas matapos ang krimen.

Nagawa pa ng biktima na mapatakbo ang tricycle pero hindi na siya nakalayo dahil sa tindi ng tama ng balang tinamo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salari at ang motibo sa krimen.

Sa Bukidnon, napatay ng mga awtoridad si Jade Mantalaba matapos umanong manlalaban.

Napag-alaman na nag-amok umano si Mantalaba sa kanilang lugar at may nabaril.
Tumakas siya pero tinugis ng mga pulis.

Ngunit sa halip na sumuko, nanlaban daw si Mantalaba kaya napatay ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News