Isang seaman na nakatakda na sanang sumampa muli sa barko ang nalunod habang naliligo sa beach sa Laoag City, Ilocos Norte.

Ayon sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nagpunta ang biktimang si Roderick Acio, 44-anyos, sa beach sa Barangay Navotas, kasama ang ilang kaibigan.

Sinabi ng kapatid ni Acio, habang lumalangoy ay humingi raw ng tulong ang biktima sa mga kasama dahil pinulikat siya at tinatangay na ng alon.

Tumagal ng 15 minuto ang rescue operation pero hindi na naisalba ang buhay ng biktima.

Napag-alaman na nakatakda na sanang sasampa muli sa barko ang biktima sa Enero 18.--FRJ, GMA News