Patay ang isang pulis matapos barilin sa ulo habang sakay ng motorsiklo sa Sual, Pangasinan. Noong una, inakalang naaksidente lang biktima pero natuklasan kinalaunan na binaril pala siya nang alisin ang suot nitong helmet.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Police Corporal Reynald Reyes, nakatalaga sa Police Regional Office Cordillera.

Binabagtas ni Reyes ang national highway sa Barangay Poblacion sa Sual nang matumba siya sa gitna nang kalsada.

"Yung biktima galing sa Bolinao, Pangasinan at patungo sa kaniyang trabaho sa Baguio City para mag-report doon," ayon kay Police Captain Fredwin Sernio, hepe ng Sual Police Station

Ayon pa kay Sernio, may tatlong gunshot wounds sa ulo ang biktima at may dalawang bala na na-recover.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung sino ang mga salarin at motibo sa krimen.--FRJ, GMA News