Sugatan ang mag-asawa sa Narvacan, Ilocos Sur matapos silang ma-holdap at pagbabarilin habang papunta sila sa bangko upang magdeposito ng pera.

Nakilala ang mga biktima na sina Enrique at Imelda Cortez, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Nasa loob sila ng kotse nang tutukan ng baril ng isang suspek na sakay na motorsiklo.

Inagaw ng suspek ang bag ng mag-asawa na may lamang mahigit na P1.5 milyon.

Pumalag daw si Imelda kung kaya't binaril sila ng suspek at agad na tumakas.

Hindi nakilala ang suspek dahil ito ay naka-face mask at nakasuot ng helmet.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang mag-asawa. —KG, GMA News