Isang tricycle driver ang namatay matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay sa Bacolod City.

Ang biktima ay nakilalang si Eduardo Cataraja, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Kasalukuyang kumakain daw ang biktima nang may pumasok sa kanyang bahay na mga armadong lalaki at pinaulanan siya ng baril.

Bago nito, may mga residenteng nakakita na may tatlong armadong lalaking naka-hoodie na papunta sa bahay ng biktima.

Agad na tumakas ang mga suspek gamit ang isang sasakyan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakilanlan ng mga suspek at ang kanilang posibleng motibo. —KG, GMA News