Hindi inakala ng isang babae na mauuwi sa panggagahasa sa kaniya ang pagdalo niya sa reunion ng mga kaibigan na itinuring niyang ikalawang pamilya. Pero ang suspek, aminadong matagal na raw siyang may pagtingin sa biktima.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing inaresto ng mga awtoridad ang suspek na si John Jerald Artana, sa bisa ng ipinalabas na arrest warrant ng korte.

Kababata umano ng biktima ang suspek na kasamang dumalo sa kanilang reunion na may kainan at inuman.

Matapos ang kasiyahan, doon na raw naganap ang panghahalay sa biktima.

Aminado naman si Artana na may nangyari sa kanila ng biktima pero kapwa raw nila ito ginusto.

Idinagdag niya na noon pa man may gusto na siya sa biktima at ang biktima raw ang unang humalik sa kaniya.

"Lilipat po sana ako sa cr para sumuka nasa likod ko pa siya noon. Then tinanong niya po ako, 'Anong ginagawa mo diyan?' Nung time na 'yon hinarang niya 'ko then doon niya 'ko hinalikan," kuwento ng biktima.

Pero mariing itinanggi ng biktima ang naturang kuwento ng suspek.

Ipinapaaresto na rin ng korte ang isa pang dumating sa reunion na kaibigan umano ni Artana na nagsamantala rin daw sa biktima.

Nakakulong ang ngayon ang suspek sa Antipolo Police station.--FRJ, GMA News