Isang 52-anyos na lalaki ang dinakip ng mga awtoridad matapos na akusahan ng panghahalay sa dalawa niyang menor de edad na pamangkin sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng ina ng isa sa mga biktima na hindi niya inakalang gagawin ng suspek ang kahalayan sa kaniyang anak.

Inakala lang daw niyang sadyang mabait ang suspek dahil binibigyan nito ng pera ang biktima.

"Noong una nagtaka ako kung bakit palagi siyang [anak] may pera. 'Saan galing yan?' Doon daw kay uncle ano...sabi niya. Hindi ko pinansin kala ko talagang mabait lang siya sa bata," anang ginang.

Sa resulta ng pagsusuri ng medico-legal, lumitaw na positibong napagsamantalahan ang mga biktima.

Tumanggi umano ang suspek na humarap sa camera pero inamin niyang hinawakan niya mga maselang bahagi ng katawan ng mga biktima.

Inihayag naman ng kapulisan ng Pangasinan na masusi nilang tinututukan ang mga insidente ng panghahalay dahil tumaas ang kaso ng rape sa lalawigan nitong 2020.--FRJ, GMA News