Pinasok sa bahay at pinagsaksak hanggang sa mamatay ang isang 76-anyos na lola sa San Carlos City, Pangasinan. Ang kaniyang asawa, sugatan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawing biktima na si Aurora Peralta.

Nagtamo naman ng sugat sa mukha at braso ang kaniyang kinakasama na si Narciso Bulatao, 85-anyos, kapwa residente sa Barangay Bacnar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na natutulog na ang mag-asawa nang pagsasaksakin sila ng nakatakas na salarin.

Ayon sa mga kamag-anak na kapitbahay lang mga biktima, hindi nila nadinig na nagkakaroon ng kaguluhan o sigaw sa bahay ng dalawa dahil na rin umano sa edad ng mga ito.

Nakita na lang umano ng isang apo si Bulatao na humihingi ng tulong mula sa bintana.

Pinaniniwala na si Peralta ang sadyang pakay ng salarin.

Inaalam ng pulisya kung may kinalaman ang mga bali-balita napinaghihinalaang mangkukulam si Peralta, bagay na itinanggi ng kaniyang mga kamag-anak.

Mayroon na umanong person of interest ang pulisya sa krimen.--FRJ, GMA News