Bagaman nagpapasalamat ang amang si John Rey Dandoy sa mga rescuer sa pagliligtas sa kaniyang buhay mula sa balon, pero dapat umanong unang kinuha at iniligtas ang kaniyang dalawang taong gulang na anak na si Buchok.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, inilahad ng mag-asawang John Rey at Rosemarie kung ano nga ba ang nangyari at nahulog sa balon na may taas na 20 talampakan ang kanilang anak.

Si John Rey na naunang bumababa sa balon para iligtas ang anak, sinabing may malay ang kaniyang anak nang kaniyang makuha. Pero nawalan na siya ng ulirat dahil na rin sa nakasusulasok na amoy at kawalan ng hangin sa loob ng balon.

Mula nang mangyari ang trahediya, sa unang pagkakataon ay nakita at nakausap muli ng rescue team ang iniligtas nilang si John Rey.

Si Rosemarie, patuloy na nagdadalamhati sa biglaang pagkawala ng anak.

Sino nga ba ang dapat sisihin at may pananagutan sa nangyaring trahediya? At ano ang natutunan ng rescue team sa kinaharap nilang mapanganib na sitwasyon? Panoorin ang video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News