Matinding galit ang nararamdaman ng isang ina nang malamang pinagsamantalahan umano ng kanilang kapitbahay ang kaniyang tatlong-taong-gulang na anak sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabi ng 23-anyos na ina, na nitong Lunes nang mapansin nila ang likido sa underwear ng anak.

Kinabukasan ay panay na umano ang iyak ng bata.

Bago ang insidente, naglalaro raw ang batang biktima sa labas ng kanilang bahay kasama ang isa pang bata.

Pero tinawag daw ang biktima ng 40-anyos na suspek at dinala sa bahay nito at doon ginahasa.

Sa resulta ng medico-legal, lumitaw na positibong ginalaw ang biktima.

"Masakit. Gusto naming bumawi pero hindi namin magawa. Gabi-gabi naaalala namin yung ginawa sa anak ko," anang ginang.

"Walanghiya siya kasi pati bata na walang kamuwang-muwang pinapatulan niya. Nagawa na niya sa anak niya, ginawa niya ulit sa ibang bata," dagdag ng ina.

Ayon sa pulisya, hinihintay na lang nila ang arrest warrant laban sa suspek para maaresto.

Sinusubukan naman na makuha ang pahayag ng suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News