Nahuli sa CCTV camera ang pagtagilid ng isang trailer truck matapos na sumabog ang gulong sa Calamba, Laguna.

Sa ulat ni John Consulta sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha sa CCTV noong Miyerkules ng hapon habang nagmamaniobra ang truck para mag-U-turn.

Pero hindi pa man lubos na nakakaliko ang truck, sumabog ang isa nitong gulong, at hindi nagtagal ay tumagilid na nang tuluyan ang sakay na container.

Ayon kay Jeff Rodriguez, hepe ng CALAMBA-POSO, tinangka pa ng pahinante ng truck na palitan ng gulong ang truck bago tumagilid ang sasakyan.

Sa bigat ng container, umangat pa ang unahang bahagi ng truck na parang inihambalos.

Mabuti na lang at nakaalis kaagad ang naturang pahinante kaya walang nasaktan sa insidente.

Gumamit naman POSO ng mga heavy equipment para maalis ang constainer at ipapasa umano ng kompanya ng truck ang gastusin sa pagkuha ng naturang mga heavy equipment.--FRJ, GMA News