Nahuli sa buy-bust operation ang isang drug suspek na construction worker ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dakong alas-tres ng hapon sa Iligan City nitong araw ng Linggo.

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang operasyon sa Purok 24A, Zone 10, Barangay Maria Christina.

Kinikilala ang suspect na si Jesty Estifano, 31-anyos, may asawa at dalawang anak, na umano'y taga-Lumba Bayabao, Lanao del Sur.

Pahayag ni atty. Abduljamal Dimaporo, hepe NBI-Iligan, bumaba ang suspek sa isang intersection kung saan maraming tao at mga motorista na dumadaan, matapos ang ilang oras na paghihintay ng mga operatiba.

Nang lumapit sa asset ng NBI ang suspek, ay agad na ibinagay ang napagkasunduang epektos na kanyang dala.

Agad na sumugod ang grupo ng NBI, at sinubukan pa umanong tumakas ng suspek, pero naharang at nahuli ito.

Matagal na umanong minamanmanan ang suspek, pero itinanggi niya ito, at sinabing unang beses lang umano niya itong ginawa. Napag-utusan lamang umano siya.

Nakuha sa suspect ang isang pakete ng hinihinalang shabu na nakasilid sa itim na face mask, marked money, cellphone, wallet, at ID.

Nahaharap sa kasong paglabag Comprehensive Dangerous Drugs Act  ang suspek. —Merlyn Manos/LBG, GMA News