Nauwi sa malagim na krimen ang komprontasyon ng magkapitbahay sa Bucay, Abra. Ang suspek, namatayan daw ng mga alagang kambing na hinihinalang kinagat ng alagang aso ng biktima.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nag-ugat ang gulo nang kagatin umano ng mga alagang aso ng biktimang si Alexander Molina ang mga kambing ng suspek na si Bobby Barro.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sumugod si Barro sa bahay ni Molina para komprontahin ang huli.

Naniniwala kasi ang suspek na ang mga aso ni Molina ang kumagat sa apat na alaga niyang kambing kaya namatay ang mga ito.

Nagtalo ang dalawa hanggang sa barilin ni Barro si Molina gamit ang shotgun.

Itinakbo pa sa ospital si Molina pero idineklara siyang dead on arrival.

Tumakas ang suspek pero nadakip din ng pulisya kalaunan, at nareokber din ang ginamit niyang shotgun.

Nagsisisi umano ang suspek sa kaniyang ginawa, habang desidido ang pamilya ni Molina na sampahan siya ng reklamong murder.--Jamil Santos/FRJ, GMA News