Patay ang isang rider at kritikal naman ang kanyang angkas matapos lumiyab ang kanilang motorsiklo nang makasalpukan ang isang delivery van sa Tupi, South Cotabato.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita na nakahandusay sa tabi ng nasusunog na motorsiklo ang rider at ang angkas nito.

Sinabi ng pahinante ng van na nag-overtake ang motorsiklo sa isa pang motorsiklo, at mabilis din ang takbo nito nang makasalubong nila.

Hindi naman sila nakaiwas agad dahil may mga sasakyan din sa tabi nila.

Lumiyab ang motor sa lakas ng impact.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang driver ng delivery van, na dinala rin sa ospital dahil bahagyang nagtamo ng mga sugat.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Sa Dasmariñas, Cavite naman, sugatan ang dalawang rider at mga angkas nila matapos silang magbanggaan sa Paliparan 3.

Nagkaayos sila kalaunan.

Sa plaza naman sa Dasmariñas, makikita sa CCTV ang pagdire-diretso ng isang tricyle kahit na may nakahintong kotse sa harap nito.

Nasalpok ng tricycle ang kotse kaya nawalan ito ng balanse, nagdire-diretso sa poste hanggang sa tuluyang tumaob.

Dinala ng driver ng kotse ang tricycle driver sa ospital, at nagkasundo rin sila pagkatapos. —LBG, GMA News