Huli sa akto ang isang 21-anyos na lalaki habang binobosohan ang isang 19-anyos na dalagang naliligo sa banyo sa Pangasinan. Ang suspek, bisita ng kapatid ng biktima at nagpaalam na iihi lang.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, itinago ang biktima sa pangalang "Maricris," na naliligo sa shower room ng kanilang bahay sa Mangatarem, Pangasinan. 

Pero habang naliligo, naramdaman daw niya na may nakasilip sa kaniya kaya napatingin siya sa itaas ng pader na nagsisilbing divider ng shower room at toilet.

Noon na niya nakita ang suspek na si Ronel Catacutan, na nakatingin sa kaniya kaya napasigaw siya.

Kaagad naman sumaklolo ang mga kaanak ni Maricris at inabutan pa nila ang suspek na nakatungtong sa gripo.

Napag-alaman na bisita si Catacutan ng kapatid ni Maricris na nagdiriwang noon ng kaarawan.

Nagpaalam daw ang suspek sa gitna ng inuman na makikigamit lang ng banyo para umihi.

Sa kulungan, idinahilan ni Catacutan na hindi na niya alam ang mga nangyari dahil umano sa kalasingan.

Humingi siya ng patawad sa biktima kahit pa wala raw siyang ginawang masama.-- FRJ, GMA News