Nahuli-cam ang pananakit ng dalawang siklista sa isang nagde-deliver ng tinapay na sakay ng tricycle sa Mandaue City, Cebu.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita ang biktima na sakay ng tricycle kasama ang isa pang lalaki habang nakatigil sa traffic light.

Maya-maya lang, dalawang biker ang tumigil sa tapat nila at binatukan ang driver ng tricycle.

Ang isang rider, iniharang naman ang kaniyang bisikleta sa harap ng tricycle at kinompronta rin ang biktima.

Bukod sa batok ng isang biker, sinapak din siya ng isa pang biker.

Maya-maya pa, may dalawa pang biker na dumating sa lugar.

Ayon sa biktima, nag-overtake siya sa babaeng biker na kasama ng mga nananakit sa kaniya.

Pero humingi naman daw siya ng paumanhin sa babaeng biker hanggang sa bigla na lang siyang saktan pagdating sa traffic light.

Dumulog na ang biktima sa taggapan ng National Bureau of Investigation-Region 7 para humingi ng tulong upang makilala ang mga nanakit sa kaniya at masampahan ng reklamo.--FRJ, GMA News