Isang batang lalaki na tatlong-taong-gulang ang nasawi matapos siyang tagain sa ulo ng kapitbahay nilang may problema umano sa pag-iisip sa Dumalinao, Zamboanga del Sur.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabi ng ama ng biktima na iniwan niya ang dalawa niyang anak sa kusina para kumuha ng pambili ng ulam sa kuwarto.

Hindi nagtagal, nakarinig na siya ng kalabog at nang puntahan ang anak ay nakita niyang nakabulagta na ito at duguan.

Tatagain pa raw sana ng salarin ang isa pa niyang anak pero napigilan na niya ito at tumakbo.

Isinugod naman niya sa ospital ang duguang anak pero hindi umabot nang buhay.

Nadakip ang salarin kinalaunan na napag-alaman na kababata pa pala ng ama ng biktima.

Gayunman, hindi raw makakasuhan ang salarin dahil sa kaniyang kondisyon sa pag-iisip.--FRJ, GMA News