Nasawi ang anak ng mayor ng Lucban, Quezon, habang kritikal ang isa pa nitong kasamahan matapos mabundol ng isang delivery van ang sinasakyan nilang mga motorsiklo sa nasabing munisipalidad.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, mapapanood sa video ng Lucban Municipal Police Station, na halos hindi makagalaw ang isang rider habang nakabulagta sa kalsada nang respondehan ng mga awtoridad nitong Lunes ng gabi.

Samantala, natagpuan din ang isa pang rider sa ilalim ng nakabundol na sasakyan, na kinilalang si Ditangcol Dator, 17-anyos, at anak ni Lucban, Quezon Mayor Olivier Dator.

Nakunan sa CCTV camera ang insidente na naganap dakong 10:00 p.m.

Makikita sa video na papatawid ng intersection ang dalawang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima habang paparating din ang delivery van at nasalpok ang mga motorsiklo.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ang mga biktima.

Nadala pa sa ospital ang mga biktima pero nasawi kalaunan si Dator.

Kritikal naman ang kasamahan niyang si Sydney Saliendra, na nagtamo ng malalang head injury.

Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag si Mayor Dator.

Hawak na ng pulisya ang driver ng delivery van hindi nagbigay ng pahayag.--Jamil Santos/FRJ, GMA News