Patay ang isang 14-anyos na binatilyo matapos makuryente nang tangkain umano nitong nakawin ang cable wire sa isang poste sa Naga City, Camarines Sur.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Apo Drive sa Barangay Concepcion Pequeña sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na umakyat sa puno ang binatilyo para subukang hilahin at nakawin umano ang cable wire sa isang poste.

Pero hindi umano nito napansin ang linya ng kuryente na nakakabit din sa poste.

Ayon sa mga kasamahan ng binatilyo, sinubukan nilang pigilan ang biktima pero hindi raw ito nakinig sa kanila.

Paalala naman ng pulisya sa mga magulang, kausapin ang kanilang mga anak na itigil ang masamang gawain.--FRJ, GMA News