Nasawi ang isang babaeng negosyante matapos siyang barilin sa opisina ng sarili niyang kapatid sa Butuan City. Ang tensyonadong pakikipag-agawan ng baril ng mga pulis sa suspek, nakunan sa video.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa video ni Ryajay Dahang na kuha sa New Society Village na pumunta ang suspek na may hawak ng baril sa gitna ng kalsada.

Nakapwesto na ang kapulisan sa may hindi kalayuan at sinusubukan siyang pakalmahin, at para hindi niya mapansin ang isang pulis na lumalapit sa kaniyang likod.

Ilang saglit pa, naagaw na ng nakasibilyang pulis ang baril ng suspek.

Nakipagbuno ang suspek, pero pinagtulungan siya ng iba pang pulis.

Kinilala ang suspek na si Raymundo Cuenca III na bumaril sa kaniyang ate na si Rayjane Cuenca Sobremisana, isang negosyante.

Lumabas sa imbestigasyon na nasa loob ng opisina sina Cuenca at Sobremisana nang marinig ng mga tao sa paligid ang putok ng baril.

Hinabol din ng suspek ang isa pa niyang kapatid, at tinangka niya rin itong barilin.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pagpatay. -Jamil Santos/MDM, GMA News