TAGKAWAYAN, Quezon - Sugatan ang driver ng isang AUV na airport taxi matapos itong bumaligtad at mahulog sa isang canal sa Quirino Highway, Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon nitong Lunes ng gabi.

Nangyari ang aksidente 9:45 ng gabi.

Ayon sa report ng Tagkawayan Municipal Police Station, pabalik na sana sa Maynila ang airport taxi galing Bicol nang magpagewang-gewang ito sa pababang bahagi ng highway hanggang sa bumaligtad at mahulog sa canal.

Mabilis na rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection-Tagkawayan at ni-rescue ang driver na naipit sa unahan.

Wasak na wasak ang unahang parte ng airport taxi. Kinilala ang driver nito na si Christopher Roxas, 38-anyos.

Isinugod na sa pagamutan si Roxas.

Ang pinangyarihan ng aksidente ay accident-prone area.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tagkawayan Municipal Police Station. —KG, GMA News