Patay sa tinamong saksak sa ulo ang isang 73-anyos na lolo at ang kasama niyang bata sa bahay na siyam na taong gulang sa Bacolod City.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Aurello Rull, dating tanod, at ang inampon niyang bata na anak ng kaniyang kapitbahay.

Ayon kay Nanly Alejo, madaling araw nitong Martes nang madinig nilang sumisigaw at humihingi ng tulong si Rull sa bahay nito sa Barangay Vista Alegre, Bacolod City.

Pero nang puntahan nila ang matanda, nakita nila ang duguang katawan nito at ang bata sa ibabaw ng kama.

May nakatarak pa umanong patalim sa ulo ni Rull, habang may sugat din sa ulo ang bata.

Dead on the spot na ang matanda pero naisugod pa sa ospital ang bata pero binawian din ng buhay.

Ayon sa pulisya, nasa listahan nila ng mga drug personality ang matandang biktima, at ilang beses na rin umanong ni-raid ang bahay nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News