Nagtamo ng mga sugat ang isang babae matapos siyang sikmurahan, at pukpukin ng bote ng isang lasing na nanloob sa kanilang bahay at nagtangkang gumahasa sa kanya sa Trento, Agusan del Sur.

Nangyari ang insidente pasado 2 p.m. noong ika-4 ng Oktubre, kung kailan nag-o-online class umano ang biktima nang biglang pumasok ang suspek na kinilalang si Junior Lopez sa kanilang bahay, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Matapos nito, tinutukan na umano ang biktma ng kutsilyo ng suspek, kinuha ang kaniyang cellphone at charger, sinuntok sa tiyan, at pinukpok ng bote.

Tinangka pang gahasain ng suspek ang biktima, kaya nanlaban ito at agad  na tumakbo palabas ng kanilang bahay.

Sinubukan ding tumakas ng suspek sakay ng motorsiklo, pero bumangga siya sa nakaparadang sasakyan dahil sa pagmamadali.

Natakbuhan ng suspek ang mga tanod pero nadakip rin siya sa follow-up operation ng mga pulis.

Nang mahuli, itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kaniya.

Determinadong sampahan ng kaso ng biktima ang suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News