NAGA CITY, Camarines Sur - Dead on the spot ang dalawang pulis sa Naga City, Camarines Sur matapos silang mabaril sa magkaibang lugar nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa report ng Police Regional Office 5, naglalakad na pauwi sa kanyang bahay ang pulis na si Police Master Sergeant Romeo B. Padua ng Police Station 1 galing sa kanyang duty.

Pagdaan nito sa kalye Padi-an, Barangay Dinaga ay bigla na lang itong pinalo sa ulo ng dalang tubo ng suspek na si Jerico Cano, 33-anyos.

Matapos mapalo ay nawalan ng malay at bumagsak si Padua.

Agad na kinuha ng suspek ang baril ng pulis at pinaputukan ito sa ulo.

Mula sa pinangyarihan ng pamamaril ay naglakad daw ang suspek na parang walang nangyari.

Habang naglalakad ang suspek ay nadaanan nito sa Zone 4, Barangay Tabuco ang isa pang pulis na si Police Corporal Juarez Del Valle ng Police Station 5 na agad din naman nitong binaril sa ulo.

Ayon pa sa Police Regional Office 5, matapos daw mabaril ang pangalawang pulis ay umuwi na ang suspek sa Sabang, Naga City na nakuha pang ipagsigawan na siya ang “hit man”. Dito na siya inabutan ng mga pulis na rumesponde.

Nakipagbarilan umano ang suspek sa mga pulis gamit ang baril na kinuha sa unang pulis na napatay niya. Kalaunan ay napatay din si Cano.

Ang suspek ay labas pasok na umano sa kulungan dahil sa iba’t ibang kaso na may kinalaman sa ilegal na droga. Kabilang din si Cano sa drug watchlist ng barangay.

Panawagan ng Police Regional Office 5 sa kapulisan ng Bicol, ilagay ang kanilang mga bandila sa half mast sa mga susunod na araw upang ipakita ang pakikiramay sa dalawang kabaro na nasawi. —KG, GMA News