Huli sa CCTV ang suntukan ng dalawang grupo ng kabataan sa Makilala, Cotabato, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Sa simula, kita sa CCTV ang apat na kabataan na nakatayo sa gitna ng kalsada habang iniilawan sila ng mga kasama gamit ang flashlight.

Makalipas ang ilang sandali ay bigla na lamang nagsuntukan ang apat. Tila umano nagkampihan ang apat na dalawa laban sa dalawa.

Sa gitna ng gulo, isa sa mga kabataang sangkot ang nahulog sa kanal.

Pagkatapos ng suntukan ay umalis na lamang ang mga kabataan na parang walang nangyari.

Ayon sa may-ari ng CCTV, hinala niya ay initiation ng gang ang nakuhang insidente. —Sherilyn Untalan/KBK, GMA News