Isang motorcycle rider ang nasawi nang mahagip at masagasaan siya ng isang truck sa Mandaue City, Cebu. Paliwanag ng driver ng truck, hindi niya nakita ang biktima.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA Regional TV News nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Marcelo Fernan Bridge ang motorsiklo at truck na parehong papaakyat ng tulay.

Maayos ang daloy ng trapiko kaya tuloy-tuloy ang takbo ng motosiklo na halos nasa unahan sa kanang bahagi ng truck.

Pero hindi nagtagal, nasagi na ng truck ang motorsiklo at nagulungan na ang biktima na kinilalang Rudy Amistad, 52-anyos, residente ng Lapu-lapu City.

Nahuli naman ang driver ng truck na si Aldwin Hermosilla, 49-anyos, na nagpatuloy pa noon sa pag-arangkada dahil hindi niya raw alam na nakadisgrasya siya.

Sa himpilan ng pulisya, emosyonal na humingi ng tawad si Hermosilla sa pamilya ni Amistad.

Iginiit niyang hindi niya nakita ang biktima at hindi niya ginusto ang nangyari.

Sinabi naman ng pulisya, na may paglabag na ginawa si Hermosilla kaya sasampahan nila ito ng reklamong reckless imprudence resulting to homicide. --FRJ, GMA News