Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang canteen na nagbebenta umano ng karne ng aso sa Mapandan, Pangasinan.

Ayon sa ulat ng Unang Balita, inaresto ng mga otoridad ang may-ari ng nasabing kantina na si Reah Ellasus.

Nakumpiska sa operasyon ang dalawang ulo, karne at iba't ibang putaheng aso. Napag-alaman na dati na ring nakulong ang suspek dahil dito kaya matagal nang minamanmanan ng NBI ang kanyang canteen.

Pansamantalang nakalaya ang suspek matapos makapagpiyansa. Paliwag niya sa NBI, nagawa lamang nya ito dahil sa hirap ng buhay. Mas mura raw kasi ang aso at tinatanggikik ito ng kanyang mga parokyano.  —Sherylin Untalan/KBK, GMA News