Nauwi sa disgrasya ang modeling competition ng isang youth organization sa Estancia, Iloilo nang aksidenteng magliyab ang costume ng isang 17-anyos na dalagitang kalahok.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa plaza ng Estancio nitong Linggo ng hapon.

Sa cellphone video ng isang saksi, makikita ang pagkakagulo at madidinig din ang sigawan habang tinutulungan ang biktima.

Ayon sa pulisya, residente ng Barangay Tabu-an ang biktima, at isa sa walong kalahok sa kompetisyon na inorganisa ng isang youth organization.

"Habang nagre-retouch sila ng costume ng victim, gumamit sila ng lighter para pangsindi (sa glue stick) kaya nasunog ang costume," ayon kay Lieutenant Joebert Amado, hepe ng Estancio MPS.

Nagtamo ng first degree burn sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na nasa maayos nang kalagayan.

Sinagot naman ng municipal social welfare and development office ang gastusin sa kaniyang pagpapagamot.--FRJ, GMA News