Halos walang gamit na naisalba ang isang pamilya sa Tuguegarao, Cagayan nang masunog ang kanilang bahay. Ang may kagagawan daw ng sunog, ang lasing umanong anak na palaging nakakaaway ang kaniyang ama.

Sa video ng GMA News Feed, mapapanood ang live feed habang nasusunog ang bahay ng mga biktima sa Barangay Buntun.

Sa video na ini-upload ni May Ann Bermejo, madidinig ang pagmamakaawa ng isang babae na tulungan silang makatawag ng bumbero para maapula ang apoy sa bahay nilang nasusunog.

Ayon kay Bermejo na boarder sa nasunog na bahay, ang anak daw ng may-ari na nakilalang si Randy Catolos, 24- anyos, ang nasa likod ng pagsunog sa bahay.

Bago ang insidente, nag-inuman daw si Catolos at ama nito, kasama ang kaibigan. Habang nag-iinuman, pinagsabihan ang ina ang suspek na tigilan na ang pag-inom dahil nasasangkot ito sa gulo.

Nang matapos ang inuman at makatulog na ang ama, nadinig si Catolos na susunugin nito ang kaniyang ama.

Bumili pa raw ng gasolina ang suspek at hindi nagtagal ay nagliyab na ang bahay.

Sa kabutihang palad, kaagad na nakalabas ng bahay ang mga nakatira, pati na ang ama ni Catolos. Gayunman, sa bilis ng pagkalat ng apoy, halos wala nang naisalba ang pamilya.

Ayon sa punong barangay, laging nag-aaway ang mag-ama kapag nalalasing.

Tumakas naman ang suspek matapos gawin ang pagsunog sa kanilang bahay.

Humihingi naman ng tulong ang mga biktima na pangangalakal ang ikinabubuhay para maitayo ang kanilang bahay.--FRJ, GMA News