Patay ang isang rider matapos sumalpok ang kaniyang motorsiklo sa trailer ng isang 22-wheel truck na nagmamaniobra sa national highway sa San ildefonso, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Freedom Castaneda, 29-anyos, residente ng Vigan City.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang truck na minamaneho ni Jenry Sinlao, na nagmamaniobra sa national highway sa bahagi ng Barangay Poblacion West, para pumasok sa gasolinahan.

Nasakop na trailer ng truck na walang kargang container ang magkabilang linya ng highway.

Maya-maya pa, dumating na si Castaneda na mabilis umano ang takbo at sinalpok ang gilid ng trailer.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon at nag-sirko sa ere ang biktima bago bumagsak sa kalsada.

Pumanaw ang biktima sa tindi ng tinamong pinsala.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng biktima kaya posibleng hindi niya napansin ang trailer ng truck.

Lumitaw din na may pagkukulang ang driver ng truck dahil walang ilaw ang gilid ng truck na dapat ay mayroon.

Hindi rin umalalay ang pahinante ni Sinlao para magmando sa mga dumarating na motorista habang nagmamaniobra ang truck.

Nasa kostudiya ng pulisya si Sinlao, habang wala pang pahayag ang pamilya ng biktima. --FRJ, GMA News