Dalawang lalaki na sakay ng isang puting van ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa Sariaya, Quezon ngayong Biyernes.

Sa spot report ng pulisya, nakasaad na edad 38 at 74 ang mga biktima, na pawang taga-Quezon City.

Nangyari ang pamamaril dakong 4:20 pm sa Eco Tourism Road sa Barangay Talaan Aplaya, Sariaya, Quezon.

Nanggaling umano sa direksyon ng Lucena City ang mga biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen.

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa pamilya ng dalawang biktima na natukoy ang pagkakakilanlan sa dala nilang identification card.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News